bukidnon

[BALIKTANAW MINDANAW] Unang Bahagi: Ang Setler

person access_timeThursday, May 13, 2021 chat_bubble_outline0 comment

Ni T.S. Sungkit Jr.  

1.Dalawa lamang ang uri ng tao sa Mindanaw – ang katutubo ng Mindanaw at ang setler.

Ang setler ay hindi taal na taga-Mindanaw. Galing siya sa Luzon o sa Visayas. Ang kolonyal na pamahalaan ang nangasiwa upang mapasakamay niya ang kalupaan ng Mindanaw. Gamit ang dahas ng estado at ang mga institusyon nito, naposisyonan ng setler ang pinakamatatabang lupain ng Mindanaw.

2. Iba’t iba rin ang dahilan kung bakit naging setler ang isang setler. May setler na naging setler dahil walang siyang lupa sa Luzon o sa Visayas. Kaya sinamantala niya ang mungkahi ng estado na manirahan siya sa Mindanaw dahil doon bibigyan siya ng libreng lupa. Ipinamahagi ng estado sa mga setler ang lupa na hindi naman totoong pag-aari ng estado.

May setler din na naging setler dahil gusto niyang tuparin ang atas sa kanya ng kolonyalismo. At iyon ay ang gawing Kristiyano ang mga ‘paganong’ katutubo ng Mindanaw at ang mga Islamisadong katutubo ng Mindanaw. Sila iyong mga naniniwala na ang daan ng katubusan ay para lamang sa mga Kristiyano.

May mga setler naman na naging setler dahil nagayuma sa maraming posibilidad ng Mindanaw na itinuturing nilang isang prontera. Ang ilan sa kanila’y naging mga opisyal ng kolonyal na estado. Ang iba naman nagtayo ng mga rantso. At ang iba’y nagsipagnesgosyo. Sa tindi nga ng pagkahumaling sa pagnenegosyo, ang isang kumander umano dati ng mga “Katipunero” kuno sa Hilagang Mindanaw ay mas inatupag ang pagbubuo ng monopolyo sa abaka kaysa sa labanan ang mga Amerikano.

3. Naging aktibo ang setler sa pagkamkam ng lupain ng mga katutubo ng Mindanaw. Bagay ito na nais ng setler na kalimutan na lang sa kasaysayan. Bagay ito na nais na rin ng estado na ibaon sa limot. Ayaw ng estado na maungkat ang iligal na pagkasama ng Mindanaw sa bentahan sa Paris kung saan ibenenta ng ganid na Kastila tungo sa ganid na Amerikano ang lupaing hindi niya pag-aari.


4.Hindi maubos maisip ng katutubo ng Mindanaw kung papaanong tinanggap ng mga “nakapag-aral” na setler ang ligalidad ng pamamahagi ng estado ng lupaing hindi naman kanya. Hindi maubos maisip ng katutubo ng Mindanaw kung papaanong naging bulag sa katotohanang ito ang mga historyador ng bansang binansagan ayon sa pangalan ng isang prinsipeng dayuhan.

Ah, marahil Kinulang sa talino ang mga historyador upang masuri na hindi bahagi ng kanilang bansa ang Mindanaw. O sadyang hindi nila ito babanggitin dahil sila ay tapat sa kasaysayan ayon sa pananaw ng mga kolonisador nila?

5. Mataas ang ihi ng setler. Ayon sa kanyang naratibo, hindi uunlad ang Mindanaw kung hindi siya dumating. Kuhang kuha niya ang tono ng kolonisador na nagwika noon na kung hindi sila dumating ay hindi uunlad ang mga katutubo. Manang mana ang setler sa mga kolonisador. Gamit ang prinsipyo ng kolonisador, naging masugid na kolonisador din ang setler. Aniya, may karapatan siya sa lupain ng katutubo dahil siya ang nagdadala ng karunungan at pag-unlad.

Ito ang ipinangangalandakan ng mga teorista ng estado ng mga setler. Na tila ba, sila lamang ang may monopolyo kung ano ang ideya ng karunungan at pag-unlad. Para sa kanila, mas matalino ang mga setler na kumalbo sa kagubatan ng Mindanaw kaysa mga katutubong pinatay dahil ayaw nilang makalbo ang kagubatan. Sa kanilang lohika, ang pag-unlad ay ang pagkalason sa mga kailogan dahil sa lasong kemikal ng mga plantasyon. Mas maunlad para sa kanila ngayong kahit kaunting ulan lamang ay binabaha na ang mga lungsod. Para sa kanila, tanda ng kanilang karunungan ang taunang pagkabitakbitak ng lupang sakahan pagdating ng tag-init.

Hindi anila magkakaroon ng mga kalsada kung wala ang setler. Hindi anila magkakaroon ng mga negosyo kung hindi dumating ang mga setler. Hindi anila uunlad ang Mindanaw kung hindi dahil sa setler. Ah, sadyang mataas ang kanilang pagtingin sa sarili kahit na alam naman ng katutubo kung bakit sila dumating at kung bakit nila nilisan ang Luzon at Visayas.

6. Ayaw ng setler na tawagin siyang setler. Nawawalan ng bisa ang kanyang pag-angkin sa lupaing hindi kanya pag tinawag siyang setler. Dahil matagal na siyang nanirahan sa Mindanaw, maaari na rin daw siyang tawaging lumad sa Mindanaw. Ayaw ng setler na balikan ang kasaysayan kung paano sila nakarating sa Mindanaw. Sa ngayon,nais nilang kalimutan na lamang lahat iyon.

Sa lohika ng setler, sasabihin niya, mga Pilipino naman tayong lahat. Tayong lahat daw ay magkakapatid. Hindi nila alam na matagal nang tumanaw ng pagiging kapatid ang mga katutubo ng Mindanaw. Subalit ang mga setler ang hindi nakakaramdam na kapatid nila ang mga katutubo. Sapagkat bakit naging aktibo sila sa pagpapatupad ng pangangamkam ng estado sa lupain ng mga katutubo kung sila nga ay tumatanaw ng pagiging kapatid?

Malabo ang pangangatuwiran ng setler sa pagiging kapatid. Mas malinaw na siya ay setler na hindi taal na tagaMindanaw at ang interes niya’y kagaya ng interes ng kanyang estado – ang lipulin ang mga katutubo upang maging ganap ang kanilang pag-angkin sa islang hindi kanila.

Ah, kung duguan ang kamay ng estado ng mga setler, duguan din ang kamay ng mga setler. At hindi ito mahuhugasan ng simpleng pagsasabi na lahat tayo ay Pilipino. Hinding hindi ito mahuhugasan ng simpleng pagsasabi na may programa ang estado para sa mga katutubo ng Mindanaw. Sapagkat ang malinaw lamang na programa ng estado ay paglipol sa mga totoong tagapagmana ng Mindanaw.

7. Ngayon kayang isang setler na ang pangulo ng estadong nangamkam ng lupaing hindi kanya, may pagkakataon kayang balikan ng estado ang kasaysayan kung bakit niya kinamkam ang lupaing hindi kanya? Mapapakinggan kaya ang matagal nang itinatanong ng katutubo kung ano ang karapatan ng estado ng mga setler na kamkamin ang lupain ng mga katutubo?


Ang Baliktanaw Mindanaw ay serye na nailathala ng may akda sa kanyang blog na pinagalanang Batbat Hi Udan na siyang pamagat din ng isa sa kanyang mga aklat. Si T.S. Sungkit Jr ay isang Higaonon poet at novelist.Ang unang bahagi ay nailathala noong Mayo 18, 2016. Nagbigay siya ng pahintulot na mailathala muli ang serye sa BukidnonNews.Net.  

folder_openAssigned tags
content_copyCategorized under
shareShare article